COPE Webinar Series
Episode 1: Start Your Own Business: Challenges and Triumphs of MSMEs
Nabuo ang programang Communities of Practice for Entrepreneurship (COPE) ng UP Institute for Small-Scale Industries noong nakaraang taon. Ito’y isang adbokasiyang naglalayong mapalapit ang mga pag-aaral hinggil sa pagnenegosyo sa mga pamayanang mas kaunti ang oportunidad na makatanggap ng nasabing serbisyo sa isang pormal na paaralan.
Upang maipagpatuloy ang nasimulang adhikain sa gitna ng kasalukuyang kinakaharap na pandemya, ang UP ISSI ay nagdisenyo ng bagong mukha ng COPE kung saan maihahatid sa pamamagitan ng webinar series ang kaalaman at gabay sa pagnenegosyo.
COPE Webinar Series Episode 1
Start Your Own Business: Challenges and Triumphs of MSMEs
“Ang salitang COPE ay sumasalamin sa kung paano ang mga maliliit nating negosyante ay lumalaban sa iba’t ibang hamon lalo na sa kinakaharap nating pandemya.”
– Ms. Glennis S. Uyanguren
Hulyo 1, 2020 nang inilunsad sa unang pagkakataon ang Communities of Practices for Entrepreneurship (COPE) Webinar Series na may temang Start Your Own Business: Challenges and Triumphs of MSMEs. Layunin ng webinar episode na ito na makapaghatid ng aral at inspirasyon sa sector ng maliliit na negosyo sa panahon ng pandemya at kahit sa anong hamon pa mang dumating. Ang mga tagapagsalita ay mga nakapagtapos ng kursong Start Your Own Business.
SUDLAN. Si Jamica Bonifacio ay isang visual artist at bokalista ng bandang Tubaw. Siya ay nagtapos sa ika-52 batch ng SYOB.
Ang salitang sudlan ay nangangahulugan ng lagayan. Mula sa Tanuan, Batangas, si Jamica ay itinatangi ang tradisyunal na paraan ng paghahabi ng mga tela na may makabayang disensyo at matitingkad na kulay sa kanyang mga produktong bag, lagayan ng pasaporte, kalupi, kalu o bucket hat, at marami pang iba.
Ani Jam, “Naniniwala ako na upang magtagumpay sa negosyo dapat masaya ka sa ginagawa mo. Hindi ka mapapagod at lagi kang inspired kasi gusto mo yung ginagawa mo.” Sa gitna ng pandemya, nabuo ang bagong produkto ng Sudlan – ang face masks. Ang produktong ito ay nagtatampok ng mga disenyo ng local weavers. Kaya naman lubos niyang hinihikayat ang pagsuporta sa gawang lokal at ang patuloy na pagbibigay ng oportunidad sa mga Pilipinong manghahabi.
ROUTE 39. Si Jep De Guzman ay isang digital artist, videographer, at hobbyist. Siya ay mula naman sa ika-53 batch ng SYOB.
Ang ROUTE 39 ay hango sa larong POKEMON, samantalang ang numerong 39 naman ay mula sa araw ng kasal ng mag-asawang may-ari ng negosyo. Ang orihinal na konsepto para sa Route 39 ay isang kainan at libangan na kung saan ay may paligsahan sa tabletop games (board games at card games). Sa soft opening ng Route 39, at bilang tugon sa nagbagong anyo ng pakikipagtransakyon sa mga mamimili, ang kanilang mga produkto ay mabibili online. Isa sa mga unang produkto ay ang nauuso ngayong Japanese-inspired food na ang tawag ay sushi bake, food bowls at ang pangunahing produkto nilang Onigiwich.
Naniniwala ang Route 39 na ang bawat problema ay pwedeng magbukas ng oportunidad. Ang kanilang pagsibol sa gitna ng pandemya ay nagpapatunay nito. Naniniwala rin ang mag-asawa na unti-unti man ang pag-unlad, ito ay isa pa ring pag-unlad. Mula kay Jep, “Sabayan mo ang agos. Ikaw ang nakakaalam ng business mo. Yung ikakaganda ng business mo o ikababagsak talagang magdedepende rin sa iyo.”
MILLENNIAL FARMER. Si James John Dycoco ay graphic artist at proud farmer. Siya ay mula sa ika-49 batch ng SYOB.
Ang Millennial Farmer ay nabuo mula sa isang hamon at pang-aasar ng mga kaibigan. Ito ay malayo sa dati niyang hinawakang negosyo na pagko-customize ng mga sapatos.
Ang pandemyang ito ang nagtulak kay James na pasukin ang mundo ng pagsasaka. Nakitaan niya ng malaking potensyal na lalo pang paunlarin ang kanilang sakahan at magkaroon ng access na maihatid ang kanilang mga produkto sa merkado. Mula sa isang bagong henerasyon ng magsasaka, naniniwala siya na importante ang pagbabahagi ng mga magagandang praktika at bagong kaalaman sa pagsasaka.
Sabi ni James, “Huwag mawalan ng tiwala sa sarili. Humingi ng gabay sa mga taong pinagdaanan na yung mga ganung hamon o pagsubok at nakabangon mula rito.”
Ang sapat na kaalaman sa pagnenegosyo ay isang mahalagang sandata na makakatulong at gagabay sa anumang pagsubok na pagdaraanan ng isang negosyo. Dumating man ang mga hamon na maaaring magpabagsak ng isang negosyo, lagi nating babalikan sa kung paano tayo nagsimula upang matupad ang ating mga pangarap. Magbago man ang naunang plano pero magpapatuloy tayo, hindi lang para sa sarili natin kundi para din sa ating pamilya at sa komunidad na kinabibilangan.
Ang unang episode ng COPE Webinar Series ay mapapanood sa link na ito.
Disclaimer: The views expressed herein or in any article in the UP ISSI website are those of the authors and do not necessarily reflect the policies or opinions of UP ISSI nor the views of the University of the Philippines. Regarding Accuracy of Information and Usage of Data: Visitors and users of the UP ISSI website are advised that information contained within the website is assumed to be accurate. However, errors can occur even with computer-generated information. UP ISSI makes no representation regarding the completeness, accuracy, or timeliness of such information and data, or that such information and data will be error-free. Visitors are encouraged to review the official version of all documents on which they plan to rely on.