COPE Webinar Series
Episode 2: Addressing the effects of the COVID-19 Pandemic on MSMEs: Insights for Policy Making
Ayon kay Gng. Alicia Opena ng DTI, mula sa datos ng Pambansang Tanggapan ng Estadistika, nasa 99.52% o karamihan ng mga negosyo sa bansa ay mula sa sektor ng MSMEs o Micro, Small, and Medium Enterprises. Sa nabanggit na porsyento, maituturing na malaki ang gampanin nito sa takbo ng ekonomiya. Ngunit ayon na rin sa pagsisiyasat na isinagawa ng Research Division ng ISSI, ang sektor na ito ay ang pinakatinamaan nitong pandemya. Mula buwan ng Marso hanggang sa ngayon, ang ilang bahagi ng bansa ay nakasailalim pa rin sa mahigpit na mga patakaran o polisiya, na naging isa sa mga dahilan ng kabagabalan sa kalakaran ng isang negosyo.
Kawalan ng mamimili o taga tangkilik ng produkto at serbisyo, mahina o kakapusan sa kita, at pagsasara ng karamihan sa mga negosyo sanhi ng pagkalugi, ay ang ilan lamang sa mga ininda at pangkasalukuyang kalagayan ng nabanggit na sektor.
“Tengga ang negosyo at halos tatlong daang libo rin ang nawala sa akin noong kasagsagan ng enhanced community quarantine,” ayon kay G. Melchor Morandarte (isa sa mga tagapagsalita at kumakatawan sa micro enterprises sector). Ito ang dagok na labis na humimok sa kaniya upang makaisip ng paraan kung paano makakabangong muli. Aniya, ang pakikiisa at pakikipagtulungan sa kapwa niya MSMEs ang nagbigay daan upang unti-unting bumalik ang sigla ng kaniyang negosyo. Hindi lang raw naging partikular ang mamimili sa kaniyang mga orihinal na ibinibenta, kundi, kasabay rin nitong nabigyan ng pagkakataon ang ibang negosyo na palaganapin ang sarili nilang gawa sa tulong ng palitan ng produkto sa pagitan ng kanilang samahan.
Base sa mga naitalang problema na nailahad, nagbahagi naman si Gng. Mel Cabotaje ng ilang mga rekomendasyong maaring makatulong sa sitwasyong kinahaharap ng MSMEs at ito ang mga sumusunod: pagbibigay ng tulong pinansyal, pasimplihin at pabilisin ang proseso sa pagpapautang, tanggalin pansamantala ang pagbubuwis habang kasalukuyang bumabangon ang mga negosyo, muling pagsasahanay ng badyet ng gobyerno, iwaksi ang mga mahihigpit na alituntunin na maaring makasagabal sa kalakaran, palakasin ang ICT infrastructure ng bansa, pagsabay sa takbo ng makabagong teknolohiya, at pagpapalaganap ng kahalagahan ng Business Continuity Plan.
Sa ganitong kahirap at ‘di mawaring pagkakataon, hindi sapat na nariyan lang ang suporta ng pamahalaan, mas makabubuti pa ring paigtingin at palawakin pa ang kaalaman ng karamihan sa BCP. Dahil ayon na rin kay Bb. Joanna Laddaran, pitumpu’t limang porsyeto ng mga maliliit na negosyo sa bansa ang wala nito o kulang ang kaalaman rito. Kung kaya ay hinihikayat ang lahat na maging maalam pagdating sa importansiya nito, lalo na ngayon na sadyang sinusubok ang katatagan ng bawat isa.
At kung pagsusumahin, makikita ang ugnayan ng bawat isa: negosyo-empleyado-ekonomiya, kung kaya ay dapat isaalang-alang ang kahalagahan ng mga nabanggit dahil may kaniya-kaniya itong papel na ginagampanan. Kung buhay ang kalakaran ng negosyo, buhay rin ang manggagawa, gayunrin ang ekonomiya ng bansa. Walang kahit sino o ano ang maiiwanan.
Para sa karagdagang mga impormasyon, mapapanood sa link na ito ang ikalawang kabanata ng COPE webinar series na pinamagatang Addressing the effects of the COVID-19 Pandemic on MSMEs: Insights for Policy Making. Ang policy brief naman ay maaaring i-access sa link na ito.
Disclaimer: The views expressed herein or in any article in the UP ISSI website are those of the authors and do not necessarily reflect the policies or opinions of UP ISSI nor the views of the University of the Philippines. Regarding Accuracy of Information and Usage of Data: Visitors and users of the UP ISSI website are advised that information contained within the website is assumed to be accurate. However, errors can occur even with computer-generated information. UP ISSI makes no representation regarding the completeness, accuracy, or timeliness of such information and data, or that such information and data will be error-free. Visitors are encouraged to review the official version of all documents on which they plan to rely on.