1st eSYOB
Gaano kahalaga ang pagpaplano para sa isang negosyo? Paano nga ba ito simulan at patakbuhin? Sapat na ba ang kaalaman at kakayahan ng isang indibidwal na magkaroon ng sariling pagkakakitaan upang magpatuloy sa gitna ng mga hamon na dala ng pandemya?
Sa panahon ng kasalukuyang pandemya, marami man ang mga nagsarang negosyo o pansamantalang natigil ang operasyon, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nakakaisip at nagpaplanong magbukas ng sarili nilang Negosyo. At bilang paghahanda at pandagdag kaalaman, nagbahagi ang ISSI ng libreng kurso na pinamagatang e-Start Your Own Business nitong Hulyo. Ito ay inilunsad sa pamamagitan ng online platform. Naglalayon itong tulungan at gabayan ang isang indibidwal sa pagpapatakbo ng negosyo. Binigyang diin dito ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman pagdating sa iba’t ibang aspeto ng pagnenegosyo – marketing, operations/production, organization/management, at finance – at ang pagbuo ng isang business plan.
Ang mga lumahok sa eSYOB ay nagmula sa iba’t ibang sektor ng industriya: serbisyo, pangangalakal, paggawa, kalusugan, tingian, transportasyon, pamahalaan, at ng software. Ilan sa mga negosyo na nais simulan ng mga kalahok at kanilang ginawaan ng plano ay ang mga: handmade soap, cleaning products, ultrasound clinic, online course on chocolate making, freight forwarding, japanese cake, ready to cook chicken inasal, music instruments trading, at ube jam production.
Naganap ang seremonya ng pagtatapos noong ika-30 ng Hulyo. Birtuwal na tinanggap ng bawat kabilang sa programa ang sertipikong nagpapatunay na sila ay nakapagtapos sa kursong eSYOB. At ito ay bunga ng kanilang pagsisikap at pagpupursiging matuto at malaman ang tamang kaalaman at proseso sa pagnenegosyo.
Nagpaabot naman ng mensahe ng pagpapasalamat ang dating butihing direktora ng ISSI na si Dr. Aleli Bawagan sa lahat ng mga naging parte at nagtaguyod ng programa. Bukod rito, nagpaalala siya na maari pa ring komunsulta ang mga kalahok pagkatapos ng pagsasanay kung mayroon silang nais idulog o linawin habang sila ay nag-uumpisa ng kanilang negosyo.
Mula naman sa isa ng mga e-coaches na si Marvin Manlapas, “Ang kaalaman sa pagpaplano ng negosyo ay magsisilbing sandata ng bawat isang mamamayan sa pagkamit at pagpapaunlad kanilang ninanais.”
Malugod na pagbati at pasasalamat naman ang ipinarating ng kasalukuyang Officer-in-Charge ng ISSI at Bise-Tsanselor ng Pananaliksik at Pagpapaunlad na si Dr. Gonzalo Campoamor. Aniya, “Pare-pareho tayong humaharap sa pangambang dulot ng Covid-19, pero higit dito, lahat tayo ay may kinakaharap na kani-kaniyang hamon sa kasalukuyan, may kinalaman man ito sa Covid-19 o wala. Umaasa kami na sa pamamagitan ng kursong online na inyong tinapos ay nakaambag kami nang kahit kaunti para maibsan ang inyong mga pangamba. At sana ay magamit din ninyo ang inyong mga natutunan para matulungan ang ibang tao sa inyong paligid–mahal sa buhay, kaibigan, at mga kapwa Pilipino. Dahil gaya ng anumang hamon sa ating paligid, malalampasan din natin ito.“
Ang isang ideya, maliit man o malaki, ay maaaring mapalawak! Magsilbi nawa itong panimulang hakbang sa pagtupad ng isang pangarap; sabayan pa ng buong loob at dedikasyon sa pagharap sa anumang hamon na darating. Pagbati sa mga nagsipagtapos ng 1st eSYOB course!
Disclaimer: The views expressed herein or in any article in the UP ISSI website are those of the authors and do not necessarily reflect the policies or opinions of UP ISSI nor the views of the University of the Philippines. Regarding Accuracy of Information and Usage of Data: Visitors and users of the UP ISSI website are advised that information contained within the website is assumed to be accurate. However, errors can occur even with computer-generated information. UP ISSI makes no representation regarding the completeness, accuracy, or timeliness of such information and data, or that such information and data will be error-free. Visitors are encouraged to review the official version of all documents on which they plan to rely on.