2021 Gawad Tsanselor
Itinanghal si Bb. Joanna Rose T. Laddaran, University Extension Specialist ng University of the Philippines Institute for Small-Scale Industries (UP ISSI), bilang “Natatanging REPS o Research, Extension, Professional Staff (Extension Cluster)” para sa “Gawad Tsanselor” ngayong taon.
Nagsimulang maglingkod si Joanna sa UP ISSI noong 2012. Sa kasalukuyan, siya ay aktibong Resource Person ng ISSI training programs tulad ng “Honing Agents for National Disaster Awareness (HANDA).” Ang HANDA ay isang programa ng ISSI na naglalayong magbigay ng kaalaman patungkol sa kahalagahan ng paghahanda sa mga sakuna at kung papaano maipagpapatuloy ang negosyo sa kabila ng mga sakuna.
Simula noong 2014, mahigit 3,000 na mga indibidwal na ang naabot ng UP ISSI MSME Business Continuity Planning (BCP) Workshops, HANDA Program, at BCP Awareness Sessions. Ang mga dumalo sa mga programa at mga webinar na ito ay mula sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), mga kooperatiba, at mga empleyado ng gobyerno at iba pang mga ahensya at opisina na nagbibigay-serbisyo sa mga MSME.
Dahil sa kanyang dedikasyon na isulong ang kultura ng paghahanda at sa kanyang ipinamalas na husay sa paggabay sa mga maliliit na negosyante na makabuo ng plano para sa ikapagpapatuloy ng kani-kanilang mga negosyo sa kabila ng mga sakuna, nakamit ni Joanna ang pagkilala bilang “Continuity and Resilience Professional in the Public Sector” mula sa BCI Asia Pacific (APAC) Awards noong 2020.
Siya ay nagsisilbing Unit Information Officer, at kasapi ng UP Diliman REPS Welfare Council (SG 18-20 Extension Cluster Representative). Isa rin siyang coach o mentor sa iba’t ibang training programs ng ISSI katulad ng “Managers’ Course”, “Small Business Counselors Course”, at “Online Course on Productivity through Effective Supervision”. Noong 2019, siya ang pangunahing nagpanukala ng “UP ISSI SHARE (Seminar on Handling Policy and Action Research Proposal Development)”. Ang SHARE ay isinagawa para sa mga REPS ng ISSI para sa pagpapaunlad ng kanilang kaalaman patungkol sa pananaliksik na nakatuon sa polisiya at action research para sa MSMEs.
Bukod sa pagiging REPS, si Joanna ay kasalukuyan ding Lecturer ng Philosophy of Education sa UP Diliman College of Education.
Ang paglilingkod at adbokasiya ni Joanna sa larangan ng “Business Continuity” ay hindi lamang sa loob ng unibersidad. Siya ay kasalukuyang Director for Public Sector Relations at nag-iisang babae na miyembro ng Board of Directors ng Business Continuity Managers Association of the Philippines (BCMAP).
Si Joanna ay isang patunay na ang mga research, extension, at professional staff ng Unibersidad ay may malaking kontribusyon sa larangan ng pananaliksik, pagtuturo, at pagbibigay-serbisyong pampubliko.
Lubos ang kasiyahan ni Joanna sa pagkilalang nakamit. Para sa kanya: “Ang karangalang ito ay hindi lamang para sa akin, kundi para rin sa aking mga kasamahan sa UP ISSI na naglalayong mapalago ang MSME sector sa buong bansa. Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga Pinoypreneur na naging bahagi ng UP ISSI HANDA Program and MSME BCP Workshops.”
“Iniaalay ko po ang parangal na ito sa aking mga magulang na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa akin na magbahagi ng kaalaman, magbigay-serbisyo, at tumulong sa mga nangangailangan.”
Si Joanna ay pormal na gagawaran ng parangal ngayong Biyernes, ika-25 ng Hunyo, 2021, sa ganap na ikaanim ng gabi (6PM), para sa taunang “Linggo ng Parangal” sa UP Diliman. Ito ay mapapanood sa opisyal na website ng UP Diliman (https://upd.edu.ph/suhay-seremonya-ng-pagbubukas/) at sa ILCD YouTube channel (dilc.info/parangal2021).
References:
The Business Continuity Institute (BCI). (2020). BCI Asia Pacific Awards. https://www.thebci.org/comm/awards/bci-asia-pacific-awards.html.
UP Diliman Information Office. (2021). Gawad Tsanselor 2021 Program. https://upd.edu.ph/gawad-tsanselor-2021/.
UP Institute for Small-Scale Industries. (2021). UP ISSI staff named “Continuity & Resilience Professional in the Public Sector” in the 2020 BCI Asia Pacific Awards. https://beta.entrepreneurship.org.ph/2021/01/22/up-issi-staff-named-continuity-resilience-professional-in-the-public-sector-in-the-2020-bci-asia-pacific-awards/
Disclaimer: The views expressed herein or in any article in the UP ISSI website are those of the authors and do not necessarily reflect the policies or opinions of UP ISSI nor the views of the University of the Philippines. Regarding Accuracy of Information and Usage of Data: Visitors and users of the UP ISSI website are advised that information contained within the website is assumed to be accurate. However, errors can occur even with computer-generated information. UP ISSI makes no representation regarding the completeness, accuracy, or timeliness of such information and data, or that such information and data will be error-free. Visitors are encouraged to review the official version of all documents on which they plan to rely on.